Sunday, February 26, 2012
BAKIT HINDI LAHAT PWEDE MAGING GURO?
12:41 AM
No comments
Bakit hindi dapat guro ang gurong hindi nagbabasa?
Bakit hindi dapat guro ang gurong hindi nagtuturo sa estudyante kung paano magbasa?
Bakit nga ba kailangang magbasa?
Sasagutin ko ang tatlong tanong na ito.
Unang-una, hindi maaaring no-read, no-write ang isang guro.
Ano ang dapat binabasa ng guro? Ang mga pinakabagong aklat sa kanyang itinuturong larangan. Halimbawa, kung hindi nagbabasa ang isang guro sa agham, baka sabihin niya sa kanyang mga estudyante na planeta ang Pluto. Kung hindi nagbabasa ang isang guro sa Ingles, baka sabihin niya sa kanyang mga estudyante na ang isang pang-abay ay hindi maaaring mag-modify ng isang pangalan. Kung hindi nagbabasa ang isang guro sa Filipino, baka sabihin niya na ang Florante at Laura ay sinulat ni Balagtas para batikusin ang mga Kastila. Kung hindi nagbabasa ang isang guro sa Edukasyon sa Pagpapahalaga, baka sabihin niya sa kanyang mga estudyante na masama para sa ating mga Filipino ang pakikisama.
Napakaraming nangyayari sa mundo ng akademya na kailangang alam ng isang guro. Sabi nga mga ating mga ninuno, hindi mo maituturo ang hindi mo natutuhan, o hindi mo maibibigay ang wala naman sa iyo. Kung hindi nagbabasa ang isang guro, hindi niya maituturo ang pinakabago at pinakatama na kaalaman sa kanyang sabject na itinuturo. Masyadong mabilis ang takbo ng mga pagbabago sa iba’t ibang larangan, sa lahat ng larangan, dahil sa Web, dahil sa bilis ng komunikasyon, dahil sa rami ng mga taong paru’t parito sa iba ibang bansa.
Lampas sampung milyon na raw ang mga kababayan natin sa ibang bansa. Lahat sila ay sumusulat ng liham o ng email sa kanilang mga kamag-anak. Lahat sila ay nagdadala ng balita tungkol sa mga nangyayari sa ibang bansa na hindi pa nangyayari rito sa atin o hindi man lang nating alam na dapat na malaman natin. Ang mga anak ng mga OFW o ng kanilang mga kamag-anak ang mga nasa loob ng ating mga paaralan. Sa madaling sabi’y maraming alam ang ating mga estudyante, at hindi natin sila maloloko. Hindi sila matutuwa kung may sasabihin tayo sa kanila na alam naman nila na matagal nang pinatunayang hindi totoo o lumang balita na.
May mga paaralan tayo na mga mayayaman ang estudyante. Mayroon silang mga cellphone na nakakabit sa Web. Mayroon silang tablet o laptop. Kung wala man silang sariling koneksyon sa Web, madalas sila sa Internet Café at doon ay nababasa ang pinakahuling natuklasan ng mga sayantipiko o dalubhasa sa larangang itinuturo natin. Wala nang sikreto sa mundo. Hindi na katulad noong araw na maaari nating sabihin sa estudyante na, hoy, Grade 5 ka lang, sa Grade 6 mo na matututuhan iyan. Lahat ng estudyante natin ay lampas Fourth Year na, dahil nakikipagsabayan sila sa atin sa pag-surf sa Web.
Tungkulin natin bilang guro na ipagbigay alam sa ating mga estudyante ang pinakabago at pinakawastong kaalaman, hindi lamang sa ating larangan kundi sa lahat ng larangang may kaugnayan sa buhay. Hindi lamang buhay estudyante kundi buhay ng mamamayan, dahil lalaki at lalaki rin ang ating mga estudyante at sila ang mamumuno sa atin balang araw. Kailangang alam nila ang katotohanan, ang buong katotohanan, mabuti man isipin o hindi.
Isa lamang ang paraan para malaman ng isang guro ang pinakabago at pinakatama na kaalaman. Iyan ay ang pagbabasa. Ngayon, hindi ko sinasabi na dapat magbasa ng aklat na nabibili sa bookstore. Mas mabuti kung iyon ang babasahin natin, dahil maipahihiram natin iyon sa ating mga estudyante. Pero puwede ring basahin natin ang lahat ng aklat sa Web, dahil halos lahat sila ngayon ay online na. Ang iba’y libreng basahin, ang iba’y dapat bayaran para basahin, kailangang bilhin na tulad ng aklat na nakaimprenta. Pero maaaring basahin at dapat basahin. Dapat gastusan kung kailangang gastusan.
Pagbabasa rin ang pag-surf o pagbabasa sa mga blog, sa mga inilalathala sa Facebook, sa mga balitang nasa mga pahayagang online. Pero mababaw ang mga babasahing iyan. Mga datos lamang ang makukuha diyan. Ang kailangan ng isang guro ay ang mga argumento at kongklusyon na mababasa lamang sa mga aklat.
Sa madaling sabi’y kailangang nagbabasa ang isang guro dahil baka mali ang maituturo niya sa kanyang mga estudyante kung hindi niya nabasa ang pinakabago at pinakatamang aklat na nakaimprenta o online. Iyan ang sagot sa una kong tanong.
Ang aking ikalawang tanong ay kung bakit kailangang turuan ng isang guro ang kanyang estudyante kung paano magbasa.
Dalawa ang aspekto ng tanong na ito.
Una, hindi ko pinag-uusapan ang guro ng Ingles o ng Filipino, dahil talaga namang tungkulin nilang magturo ng pagbabasa. Ang itinuturing ko ang mga guro ng matematika, agham, at ang mga sabject na saklaw ng Makabayan. Tungkulin nila na magturo ng pagbabasa.
Ikalawa, hindi ko sinasabi lamang na piliting magbasa ang mga estudyante. May tama at may maling paraan ng pagbabasa. Kailangang ituro hindi lamang ng mga guro sa Ingles at Filipino kundi ng lahat ng guro ang tamang paraan ng pagbabasa.
Balikan natin ang unang aspekto. Bakit kailangang magturo ng pagbabasa ang guro ng matematika at ang guro ng agham? Alam naman ninyo na lagi tayong kulelat kapag kumukuha tayo ng pandaigdigang test sa matematika at agham. Natuklasan ng mga sumuri sa problema natin sa mga pandaigdigang test na ang mga itinatanong pala sa mga test na iyan ay nakasulat na mga problema, o ang tinatawag nating word problem. Kahit na noong isinalin na sa wikang Filipino ang mga item sa test, kulelat pa rin tayo, kaya hindi wikang Ingles ang problema. Ang problema ay hindi marunong ang ating mga estudyante na umintindi ng problema.
Kapag hindi tuturuan ng guro ng matematika at agham ang mga estudyante ng pagbabasa, hindi masasagot ng mga bata ang mga item hindi lamang sa mga pandaigdigang test kundi pati sa mga test na ibinibigay ng DepEd, ng mga unibersidad bilang entrance exam, ng PRC, at ng mga kompanyang may pagsusulit bago kunin ang mga empleyado.
Magbibigay ako ng halimbawa. Sabi sa dyaryo kahapon na si Pangulong Noynoy daw, ayon sa SWS, ay bumaba sa +46 ang pagtingin ng ating mga kababayan. Ngayon, masasagot kaya ng isang estudyante ang ganitong item na hango sa Philippine Star kung ibibigay sa isang pagsusulit:
"The Aquino government’s net satisfaction rating dropped to 46 in March from a record high 64 in the previous quarter, a latest survey by the Social Weather Stations (SWS) revealed.
"The SWS poll, conducted from March 4 to 7, 2011, found 65 percent of 1,200 respondents satisfied and 18 percent dissatisfied with the overall performance of the Aquino administration, for a “good” net rating of 46.
"The remaining 16 percent of the respondents were undecided, it said."
Question: Is this statistical result credible? Defend your answer.
Sa aking palagay, mahihirapan ang mga estudyante at baka pa nga ang mga guro ng Statistics na sagutin ang napakasimpleng tanong na ito. Ang dahilan ay hindi dahil hindi nila alam ang mga pormula sa statistics, dahil pinag-aaralan naman iyan sa klase, o dahil hindi sila masyadong mahilig sa politika, dahil halos lahat naman sa atin ay interesado sa nangyayari sa bayan. Ang dahilan ay dahil, una, hindi sila sanay na alamin mula sa isang paragrap ang mga equation na gagamitin sa statistics, at ikalawa, hindi nila alam kung paano basahin ang balitang ito.
Iyan ang ikalawang aspekto ng ikalawang tanong. Kailangang turuan ang mga estudyante kung paano ang paraan ng pagbabasa.
Sa aking halimbawa, malinaw na ito ay isang balita. Ang isang balita ay laging may lead paragraph na nagsasaad kung sino, ano, saan, kailan, at paano nangyari ang isinasaad.
"The Aquino government’s net satisfaction rating dropped to 46 in March from a record high 64 in the previous quarter, a latest survey by the Social Weather Stations (SWS) revealed."
Ang sinasabi ng lead paragraph ay hindi na naging masama ang papel ni Noynoy ngayon, dahil kapag kulang sa kalahati ng mamamayan ay gusto ka, malinaw na hindi ka gusto ng higit na nakararaming Filipino. Ang sinasabi ay ito ay ayon sa SWS.
Halimbawa’y sinabi ko sa iyo na, ayon sa manager ni Mosley, matatalo si Pacquiao. Hindi ko sinabi na matatalo si Pacquiao. Ang sinabi ko ay iyon ang sabi ng manager ni Mosley, na natural lamang ay kampi kay Mosley. Ngayon, ang dapat gawin ng estudyante ay alamin kung ano ba itong SWS. Ito ba ay kapanipaniwala? Ito ba’y kampi kay Noynoy o kalaban ni Noynoy?
Kapag sinuri ng estudyante ang SWS, malalaman niya na wala itong kinakampihan at, sa katunayan, ay ito ang nakatulong kay Noynoy na maging pangulo dahil ito ang nagsabi noong araw na mananalo siya sa eleksyon. Samakatwid, kapanipaniwala ang SWS. Samakatwid, totoo ngang ang higit na nakararaming Filipino o majority ng Filipino ay wala ng tiwala kay Noynoy.
Masamang balita iyan. Hindi tatakbo nang mahusay ang bansa kung ang karamihan sa atin ay walang tiwala sa namumuno sa atin. Kapag binasa natin ang kabuuan ng balita, lalo tayong dapat kabahan. Ito kasi ang sagot ng mga alipures ni Noynoy:
"But even with the drop, Malacañang said it is important to note that satisfaction with the administration remains at near-record levels."
Ano? Parang sinabi natin na hindi bale nang matalo si Pacquiao, huwag lang siyang ma-knock out. Parang sinabi natin na wala namang problema na tumataas ang presyo ng gasolina sa ating bansa, dahil mas mahal naman ang gasolina sa ibang bansa. Parang sinabi natin na hindi bale nang okey lang na may kerida o kerido ang asawa mo, dahil ang kapitbahay mo naman ay may Number Two na may Number Three pa.
Malinaw sa pagbabasa sa balita na may problemang malaki si Noynoy. Ang mga kasamahan niya sa Malacañang ay malabo mag-isip. Sa halip na tanungin ang kanilang mga sarili kung ano ba ang ginagawa nilang masama na naging dahilan kung bakit sinabi ng SWS na lalong lumalala ang korupsyon sa bansa ay nagdadahilan pa sila. Hoy, gising!
May teknolohiya kasi ng pagbabasa. May teknik. May paraan. May pamaraan. Hindi malalaman iyan nga estudyante kung hindi natin sila tuturuan. Wala iyan sa Web. Hindi ituturo ng kompyter kung paano basahin ang nasa kompyuter. Tayo lamang mga guro ang makagagawa niyan. Hindi na kailangang sabihin na mangunguna dapat ang mga guro ng Ingles at Filipino sa pagtuturo ng paraan ng pagbabasa, pero tungkulin din ito ng ibang guro.
Ang ikatlong tanong ko ay kung bakit nga ba kailangang mabasa. Nabanggit ko na ang ilang dahilan. Dahil maraming bagong kaalaman. Dahil sa pagbabasa lamang natin malalaman ang tunay na kalagayan ng ating bayan, at tungkulin ng lahat ng mamamayan, bata man o matanda, na lumahok sa pag-unlad ng Filipinas.
Pero may iba pa bang dahilan kung bakit nga ba kailangang magbasa?
Iisa lamang talaga ang dahilan. Ito ang dahilan.
Sabi ng matatanda, ang hindi lumilingon sa pinagdaanan ay hindi makararating sa paroroonan.
Ang sabi ko naman ay ito. Kung tatanungin ko kayo kung ilang taon na ba kayo, ang isasagot ninyo ay 20, 30, 40, 50, o kung anuman ang edad ninyo. Kung tatanungin ninyo ako kung ilang taon na ako, ang isasagot ko ay 2,500 na taon na ako.
Bakit? Dahil ang mga kaibigan ko ay sina Confucius, Platon, Aristoteles, Hesus, ang propetang si Muhammed, ang mga manunulat na si Homer, si Dante, si Shakespeare, si Balagtas, si Emily Dickinson, si Rizal, at marami pang ibang taong noon pa nabuhay ngunit hanggang ngayon ay kinakausap pa ako sa pamamagitan ng kanilang mga sinulat, ng kanilang mga aklat.
Napakapobre talaga ang taong 50 o 70 o 100 taon lamang ang gulang. Hindi nabibigyang-buhay ang kanyang utak, diwa, at kaluluwa ng mga kaisipang mababasa lamang sa mga lumang aklat. Kung ang alam lamang natin ay ang nasa Web, kung Google lamang ang ginagamit natin para maghanap ng datos, kung cellphone lamang ang paraan para tayo mag-compute o makipag-usap sa mga kaibigan natin, kung 5,000 lamang ang friend mo sa Facebook, kawawa ka namang nilalang. Milyon ang mga manunulat na pumanaw na, at bilyon ang mga aklat na naisulat nila para mabasa natin. Hindi natin mababasa ang lahat ng aklat na nailathala o nakalagay ngayon online, pero mababasa natin ang ilan, ang ilang dosena, ang ilang daan siguro.
Huwag kayong maging kontento sa sarili nating buhay. Maraming buhay na maaari nating intindihin, isaloob, maging atin – sa pamamagitan ng mga aklat. Aklat ay buhay. Aklat ay sikat ng araw sa kadiliman ng ating kamangmangan. Aklat ay sisikat rin. Aklat noon, ngayon, bukas, at magpakailanman.
(Talumpati sa pambansang pulong ng Sa Aklat Sisikat Foundation, 5 Mayo 2011, sa Far Eastern University, Maynila.)FROM THE POST SIR ISAGANI CRUZ
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment